Rush hour no’n at kababa ko lang sa ordinary bus. (Nag-holiday din kasi ‘ata yung mga aircon bus.) Kahit mainit at ang sikip ng kinauupuan ko, parang normal na biyahe pa rin naman para sa ‘kin. Tipong maya’t-mayang pagdungaw sa bintana habang nagpapalipas ng oras, paminsan-minsang pakikinig sa usapan ng iba (gaya ng pagpapatotoong nakakalakas daw ang balot), at ang walang humpay na pagdaan sa isip ng iba’t-ibang alaalang hindi mo naman alam kung may silbi ba talaga.Naisip ko noon: Paano kung ganoon ngang rush hour, sumakay ka ng bus tapos may nag-iisang libreng upuan. Kaso sa upuang ‘yon e nando’n yung taong minsan mong nakilala pero hindi masyadong maganda ang ending niyo? Uupo ka ba do’n? Kakausapin mo ba siya? Tatayo ka na lang ba sa gitna ng bus kahit magmumukha kang tanga dahil alam niyong lahat na may libre pang upuan?
Naisip kong uupo na lang siguro ako at hindi ko na lang siya papansinin hanggang may puwedeng ibang maupuan. Kung mag-uusap man kami e paniguradong hindi ako ang gagawa ng first move. Aba, wala naman akong kasalanan at hindi naman ako yung biglang nawala ah. Saka eeffort pa ba akong tumayo nang matagal para lang umiwas sa kanya? Pagod ako, rush hour, ganyan. (May internalization.) Ganyan kaarte yung mga naiisip ko habang naaasiwa na ako dahil namamawis na yung katabi ko (at suspetsa ko may chance siya magkaputok or something) kaya feeling ko wala talagang silbi yung mga ‘yon.
Nakababa na nga ako at sumakay sa MRT sa may GMA. Hindi naman gaanong siksikan pero hindi rin naman maluwag para makakilos at makalipat sa kinatatayuan mo. Holiday nga kasi. Sa Ortigas lang naman ako; ilang istasyon lang naman at bababa rin ako kaya okey lang. Pero pagkahinto sa MRT station sa Cubao, pumasok yung taong iniisip ko kanina lang… Syet. Yung isang karakter do’n sa lecheng sitwasyon sa bus. Is this the real life or is it just fantasy?
Nagkatinginan kami sa mata nang sandali sabay iwas.
“E, napag-isipan ko na kaya ‘to sa bus kanina!” sabi ko sa sarili ko. Tumingin na lang ako sa ibang direksyon dahil nga hindi naman ako puwedeng kumilos. Pero dahil wala akong distraction tulad ng mga nagtsismisan tungkol sa powers ng balot, may mga daglian akong pagsulyap sa kanya. Hindi ko alam kung tumitingin din ba siya pero dalawang tao lang yung nasa pagitan sa amin kaya walang puwedeng magkamali sa amin na nasa awkward kaming eksena sa aming mga buhay. Ilang minuto ring nagtagal iyon. And I was like… “Where’s the chismisan when you need one?”
“Santolan-Annapolis Station” sabi ng boses sa MRT. Tiningnan ko ulit siya at kung saan siya pupuwesto. Conscious din ako na baka magkatabi kami nang makaiwas na ako. Mahirap na baka may bakas pa ako ng ordinary bus na sinakyan ko. Dyahe. Imbis na pumunta pa siya sa gitna ng tren, lumabas siya at lumipat sa kabilang bagon (wagon).
Naisip kong tama lang ‘yun para hindi na kami mag-iwasan pa hanggang sa susunod na istasyon. Pero bigla ko ring naisip… “Bakit ba ako iniiwasan nito? Ano bang ginawa ko?” May putok ba ako or something?
Kakaiba yung naramdaman ko pero nasa Ortigas station na ako. Bababa na ako. Konting lakad na lang at makikita ko yung taong pinahahalagahan ko at sure akong kong pinahahalagahan ako. Wala na akong dapat isipin tungkol sa nangyari. May mga magmamahal naman sa akin kahit may putok pa ako.
Hindi na ako lumingon pagbaba para tingnan pa siya kahit marahil yun na yung huling beses na magkikita kami.
Si Marian Rivera na lang (o kaya si Dingdong Dantes) na lang ang iisipan ko ng eksena habang nasa bus ako. Malay niyo, bigla din siyang magpakita somewhere.