Alagad Ng Pag-ibig Archives - The Chronicles of Norris Skip to content

Isang araw, sumakay ako ng ordinary bus galing Quiapo papuntang Fairview. Malapit na magdilim at lalo lang akong mapapatagal kung maghihintay pa ako ng FX o kaya ng air-conditioned na sasakyan. Buti na lang at nakaupo pa ako kahit siksikan na. Malaking bagay na 'yon dahil mahaba ang biyahe ko. Maliban doon, mabigat talaga sa damdamin yung init ng panahon, yung traffic at yung katabi mong amoy basang kahoy.

Pagdating namin sa bandang Rotonda, sumakay si X. Nakapangjogging pa nga siya noon. Nakasukbit ang backpack sa likod at hawak-hawak ang librong 1Q84 ni Haruki Murakami sa isang kamay. Mukha siyang foreigner na nagkamali ng nasakyan. Nginitian pa nga siya ng konduktor at ng ibang pasahero dahil mukha ngang hindi nagtatagalog. Sinuklian naman din niya ng ngiti at lalo pang naging singkit ang mga mata niya. Sa isip ko, kumakanta na ako ng Chinito ni Yeng Constantino.

Pinaupo siya sa may bandang gitna, sa umbok ng mismong makina. Halos katapat ng inuupuan niya ang puwesto ko kung saan bigla akong nadiyahe. Baka naman ako pala yung basang kahoy all the while? Baka maamoy niya ako. *amoy sa kilikili* Teka, hindi talaga ako 'yon! *amoy sa katabi* Kuya, naligo ka ba?

Sa Philcoa raw bababa si X. Mahaba pa ang biyahe. May chance pang makipagkilala, hingin ang number, ipakilala sa parents ng isa't-isa, magpakasal at makapunta sa Europa para magbakasyon. Pero hindi ako ganoong klase ng tao. Wala na lang akong ibang nagawa kundi sumulyap-sulyap ng tingin. At tuwing ginagawa ko iyon tila bumabagal ang takbo ng mundo ko.

Nakita kong hinawi niya ang kanyang mahabang buhok at muling ngumiti. Magiging masayahin ang magiging mga anak namin. Kahit nga ang taghiyawat niya sa pisngi ay napansin ko. At lalo akong napaibig ng katotohanang hindi siya perpekto. Kung totoo man ang love at first sight, marahil iyon na 'yon. Pero hanggang pagsulyap na lang ang kaya kong gawin.

Tuluyan na nga siyang bumaba sa ordinary bus pero hindi ko pa rin siya makalimutan. At para sa akin, medyo hindi ordinaryo 'yon.

Siguro ay may magsisising hindi ko siya kinausap man lang pero sapat na sa akin ang nangyari. Kung magkikita man kami, sapat na sa akin kung hahawiin niya ang kanyang buhok at sasabayan niya ng ngiti.

Gusto kong manalo sa lotto
para makabili ako ng bagong awto.
Ihahatid kita kung saan mo gusto
pero da best kung papunta sa puso mo.

Gusto kong manalo sa lotto
para mai-date naman kita.
Sa mamahalin bang restawran?
O gusto mong tingnan ang mga tala sa bubungan?

Gusto kong manalo sa lotto
para ililibre kita palagi.
Softdrinks, burger with TLC
plus free pag-ibig from me.

Pero gaya ng pagkapanalo sa lotto,
suntok sa buwan ang pag-ibig mo.
Pero patuloy na tataya't hihiling
Baka sakaling tumaas ang chances of winning?