The Chronicles of Norris - Page 3 of 22 Skip to content

Ilang taon na rin akong natigil sa pagsusulat ng ganito. Ewan, lagi kong sinasabing ayokong magsulat bilang trabaho kasi gusto kong tingnan ang pagsusulat bilang hobby at outlet ng nararamdaman. Pero sa dami ng naging ganap ko sa buhay, laging may written na component kumbaga. May dilemma, tipong…hala, I flunked some of my writing subjects, scam ba yung pagiging content writer ko dati, ang daming revisions ng gawa ko ngayon, baka lalo pang majustify dito kung bakit? Hahaha! Puwede naman akong makinig na lang sa Blackpink (among other things)?

Also, ano bang balita guys? In pa ba ang blogging sa 2020? Parang kailangan ko na yata maglevel up as a vlogger? Gusto niyo ba yung ASMR tapos magrarant lang ako kung gaano kabasura yung 2020? *whispers* Charot!

Speaking of basura, seryosong conflicted ako kung ano ba ang content na dapat kong ilagay sa internet. Ang lakas ng pakiramdam kong hindi talaga ito ang galawan ng mga nasa late 20s, e. Hahaha!

Anyway, obvious na sigurong my relationship with writing has been complicated. Pero baka totoo yung sinasabi nilang first love never dies. Kaya ito na naman ako. Subukan ulit natin.

Kung ano ang magiging direction ng incarnation ng blog na ‘to hindi ko pa sigurado pero salamat if you have been (or decide to be) with me in this journey.

Isang araw, sumakay ako ng ordinary bus galing Quiapo papuntang Fairview. Malapit na magdilim at lalo lang akong mapapatagal kung maghihintay pa ako ng FX o kaya ng air-conditioned na sasakyan. Buti na lang at nakaupo pa ako kahit siksikan na. Malaking bagay na 'yon dahil mahaba ang biyahe ko. Maliban doon, mabigat talaga sa damdamin yung init ng panahon, yung traffic at yung katabi mong amoy basang kahoy.

Pagdating namin sa bandang Rotonda, sumakay si X. Nakapangjogging pa nga siya noon. Nakasukbit ang backpack sa likod at hawak-hawak ang librong 1Q84 ni Haruki Murakami sa isang kamay. Mukha siyang foreigner na nagkamali ng nasakyan. Nginitian pa nga siya ng konduktor at ng ibang pasahero dahil mukha ngang hindi nagtatagalog. Sinuklian naman din niya ng ngiti at lalo pang naging singkit ang mga mata niya. Sa isip ko, kumakanta na ako ng Chinito ni Yeng Constantino.

Pinaupo siya sa may bandang gitna, sa umbok ng mismong makina. Halos katapat ng inuupuan niya ang puwesto ko kung saan bigla akong nadiyahe. Baka naman ako pala yung basang kahoy all the while? Baka maamoy niya ako. *amoy sa kilikili* Teka, hindi talaga ako 'yon! *amoy sa katabi* Kuya, naligo ka ba?

Sa Philcoa raw bababa si X. Mahaba pa ang biyahe. May chance pang makipagkilala, hingin ang number, ipakilala sa parents ng isa't-isa, magpakasal at makapunta sa Europa para magbakasyon. Pero hindi ako ganoong klase ng tao. Wala na lang akong ibang nagawa kundi sumulyap-sulyap ng tingin. At tuwing ginagawa ko iyon tila bumabagal ang takbo ng mundo ko.

Nakita kong hinawi niya ang kanyang mahabang buhok at muling ngumiti. Magiging masayahin ang magiging mga anak namin. Kahit nga ang taghiyawat niya sa pisngi ay napansin ko. At lalo akong napaibig ng katotohanang hindi siya perpekto. Kung totoo man ang love at first sight, marahil iyon na 'yon. Pero hanggang pagsulyap na lang ang kaya kong gawin.

Tuluyan na nga siyang bumaba sa ordinary bus pero hindi ko pa rin siya makalimutan. At para sa akin, medyo hindi ordinaryo 'yon.

Siguro ay may magsisising hindi ko siya kinausap man lang pero sapat na sa akin ang nangyari. Kung magkikita man kami, sapat na sa akin kung hahawiin niya ang kanyang buhok at sasabayan niya ng ngiti.