Maalaala Mo Kaya Archives - Page 3 of 3 - The Chronicles of Norris Skip to content

Ang Aksidente - Part 1

BORED. WALANG MAGAWA.

Halu-halo ang aking nararamdaman sa tuwing naaalala ko na minsan sa aking buhay e naaksidente ako kasama ang aking mga kaibigan. Pero kung tatanungin mo ko ngayon kung ano na yung damdamin na nangingibabaw e siguro tuwa yun na may konting inis.

Hindi ko na matandaan kung ano bang meron no’n kina Conrad. Yun kasi yung mga panahong maisipan lang na mag-inuman e mag-iinuman talaga. Kaya kahit walang nagbibirthday e present ang alak at tempura na minsan sa kagustuhang kainin e hindi na talaga binayaran.

Teka. Kung iniisip mong kaya kami naaksidente ay dahil nasa ilalim kami ng impluwensiya ng alak e nagkakamali ka. Wala pa kaming naiinom. Ewan. Ako na lang ‘ata ang hindi umiinom. Basta hindi kami lasing. Basta kami nina Bryan at Gary ang nagpresinta na bumili ng dagdag na alak at yelo. Wala na rin kasing yelo nun dahil si Tita Tess (Mama ni Conrad) e nagdefrost ng refrigerator nila.

At yun nga, dahil sa mabait kami, amin nang sinakyan ang powder blue na motor ni Conrad at pumunta na sa mga tindahan upang bumili ng yelo at alak. Heto ang puwesto namin sa motor: Si Bryan ang driver, si Gary ang nasa gitna, at Ako ang nasa dulo.

Medyo may karanasan na ako sa pagamamaneho ni Bryan ng motor. Minsan kasi nung tatlo naman kami nina Vero ang nagpunta sa McDo, maliban sa mahihigpit na hawak ni Vero ay nakakagat siya sa aking likod. Kagat na kulang na lang matapyas na yung balat mo. Bago nga pala siya kumagat sa aking likod e iba’t-ibang sigaw at mura na ang inabot ni Bryan. Siguro alam mo na kung gaano kabilis ‘yung takbo ng motor.

Balik sa kuwento. Nagtagumpay naman kami sa pagbili ng alak pero sa yelo? Hindi. Siguro isa na yun sa indikasyon ng Global Warming o sadyang marami lang talagang nag-iinuman noong gabing ‘yon. Bumalik kami sa bahay nina Conrad at dinala ‘yung mga alak. Hindi ko alam kung may nagsabi na puro alak na lang at paano iinom kung walang yelo. Basta ang alam ko na lang na kasunod e nagmomotor na naman si Bryan ng kay bilis bilis. Ayon nga pala sa kanya e mabagal pa ‘yon.

Ang daldal namin habang bumabiyahe. Si Gary naman kasi kung magjoke kahit na sobrang masama na e tumatawa pa rin kami. May nadaanan kasi kaming trak ng basura at sinabi niyang nando’n ang isa naming kaklase na medyo may kabahuan ang hininga at doon daw ‘yon pinatay para hindi malamang nandoon yung bangaky. Kaya yun, kahit di pa kami lasing e siguro sa isipan ng mga taong nadaanan at nakarinig sa amin, delikado yung ginagawa namin.

Na yun pala sa mga halakhak na yon, sa ilang sandali na lang e may lilipad sa motor at may mga magtatamo ng mga pilat na habang buhay e magpapaalala na naaksidente sila.