Kasalukuyan akong nagcocomputer nang may biglang dumating sa aming bahay. Akala ko noong una ay ang aming landlady pero hindi pala. Kaibigan siya ng aking mga magulang. At may kasama siyang babae na may dalang mga malalaking bag na siya namang kinagiliwan ko.
Nakaasul siyang polo at nakaitim na pantalon. Parang nahahawig ang kanyang porma sa mga taong nakikita ko sa bus.
"Ma'am, sir, may dala po akong mga pangmasahe, tatlong klase sa isang bayaran. Murang-mura lang po, 59,450 pesos." (Sabay ngiti.)
Siyempre, hindi niya sinabi ng diretso yun pero parang yun din ang ibig sabihin matapos idemo ang mga gamit na galing sa kanyang mahiwagang bag na parang tulad ng kay Doraemon. Ang daming lumalabas pero hindi ko naman iyon pinoproblema. Ang totoo nga ay libang na libang ako habang nagdedemo siya.
Nilabas niya ang unang pangmasahe - isang parang higaan na umiinit. Wala siyang ibang maipaliwanag kung hindi init. Kulang na lang e sabihin niyang "Init ang sagot sa lahat ng bagay! Iboto niyo ako sa susunod na eleksyon!" Nakakatulong daw ang init sa sirkulasyon ng dugo, nakakaalis ng bakterya (bak-ter-yah) at nakakaalis ng dayabetes (da-ya-beh-tes) kahit hindi na uminom ng gamot. Maligamgam na tubig lang. Dahil nga may diabetes ang aking ama, namangha ang aking ina at sabi niya, "Owss?"
Nahiga si ama at isa lang niya ang nasabi niya. "Mainit!"
Hindi ako kumbinsido at siguro pati na ang mga magulang ko sa unang gadget niya. Parang ibibilad ko na lang ang aming sofa kesa naman guamasta ng libu-libo para ibili ng gamit na hindi mo naman talaga alam ang nagagawa.
Nilabas niya ang pangalawang pangmasahe - isang parang baseball bat pero maliit lang. Meron na kaming katulad nun pero iba ang kulay at yari. Free daw ito kung kukunin namin ang unang item
Tatay: Ay, meron na kaming ganyan e. Di ba 'yan 'yung --- ('Di pa siya taos magsalita.)
Ale: Ay iba to sir! Walang kinakabit. 'Eto lang.
Dinemo na naman ito sa aking ama. Hinawakan ang kamay at dinikit ang gamit.
Ale: Ang dami niyo pong lamig sa katawan. Tingnan niyo o, dumidikit. Ibig sabihin niyan, puro lamig.
Hindi ko napigilang mangiti dahil naisip kong kaya dumidikit iyon e dahil sa pawis na binigay nung umiinit na higaan.
Ale: (Idinikit ang gamit sa isang parte ng kamay) Pag masakit po ang ulo niyo, tapat niyo lang dito. Nakakatulong din po 'yan sir para 'di kayo magkaroon ng prostate gland.
Prostate gland? Gusto ko sanang sumabat pero naunahan na ako ng tatay ko.
Tatay: E di ba lahat ng lalaki may prostate gland?
Ale: Oo nga sir, pero lumalala.
Sumang-ayon na lang kami dahil "moment" nga naman niya iyon.
Nagsulat siya sa papel at pinakita ang presyo at ipinaliwang kung ano ang mga paraan para mabayaran ito.
Hindi kumbinsido si ina pero si ama yata ay nadadala na dahil natutuwa siya kasi dumidikit nga ang gamit na iyon.
Tatay: Puwede bang yang na lang bilhin namin? (Tawa)
Ale: (Tawa) Ay hindi po pupuwede sir! Free nga lang po e. (Tawa ulit)
Siguro ay naiinis na siya dahil wala siyang makitang pag-asa.
Ale: (Akala niyo ha? 'Eto na ang aking ultimate item!)
Inilabas na naman niya ang isa pang gamit - isang pangmasahe sa paa na madalas nakikita sa mga mall. Puwede din daw ito sa ibag parte ng katawan. At pinagamit uli 'to sa aking ama. Natuwa siya dito at nakita ito ng aking ina. Tumayo siya at inapakan din ito. Natuwa din siya at nung nakita ko siya e parang inaaya din niya akong ilagay ang aking paa.
...
Nag-usap na naman sila tungkol sa bayaran. Mahaba ang naging usapan. Hindi pa sila sigurado sa sales talk ni Aling Saleslady. Basta ang pagkarinig ko, babalik siya dito sa susunod na buwan dahil kukunin na 'ata nila ang ultimate item ni Ale. Siguro ay pag-uusapan muna ng aking mga magulang kung kaninong paa ang dapat ilagay doon.
Inilagay niya sa bag ang kanyang mga gamit at binitbit ito. Kasama ang sikap at lakas ng loob, tutungo na naman siya sa ibang bahay.
"Ma'am, sir, may dala po akong mga pangmasahe, tatlong klase sa isang bayaran. Murang-mura lang po, 59,450 pesos." (Sabay ngiti.)