Isa na ‘ata sa mga paborito kong gawain ay ang problemahin ang halos lahat ng bagay at magreklamo tungkol doon (kaya ‘wag ka ng magtaka dun sa flash disc.) . At naisipan kong mas mabuting dito ko na lang ilagay ang mga saloobin ko sa buhay kesa naman sabihin ko ‘yon sa mga kaibigan ko. Dahil malamang e hindi nila maiintindihan ‘yon at malamang e maasar lang din sila sa akin.
Dahil hindi ko naman maiisip lahat ng kinaiinisan ko, at dahil di ko pa naman alam kung ano pa ang mga kakainisan ko, naisipan kong hati-hatiin na lang ito. Kumbaga sa pocket book e may mga kabanata. Kaibahan nga lang e hindi ko alam ang katapusan nito.
Kaya’t simulan ang pagbabasa. Kapupulutan ng aral.
Reklamador
KABANATA 1 - MGA KAKAIBANG SASAKYAN, MGA KAKAIBANG PASAHERO AT ANG MGA KAKAIBANG NANGYAYARI SA LOOB AT LABAS NITO.
Mga dyip na may mga air freshener. Lalo na yung mga nakasabit na pine tree.
HINDI ko maintindihan kung bakit kailangan pa ng air freshener ang mga dyip samantalang bukas naman ang mga bintana nito. Ayos lang sana sa aking ang konting amoy, pero yung tipong siksikan na, pumapasok na sa ilong at bibig mo yung buhok ng katabi mo at humahampas pa sa mukha mo yung mga pine tree na may iba’t ibang kulay, e mas mabuti ‘atang sa iba na lang ako sumakay. Pero naisip kong mas ok na siguro yun kesa mapagitnaan ka ng dalawang pasaherong merong tokpu.
Naiinis ako sa mga biglaang pumepreno. Naalala ko noong papunta ako sa swimming at malaking bag ang dala ko ay biglang pumreno ang sinasakyan kong jeep. Dahil sa bag lang ako nakahawak e halos kalahati ng jeep ang nalakbay ko. Normal naman siguro ‘yun. Mahirap nga lang kung opinionated ang kasama mo sa jeep. Sabi sa akin nung katapat kong ale, “Ang layo ng narating mo ah? (sabay ngiti)”. Wala naman akong sinabi sa kanya at ngumiti na lang din ako.
Ayoko ng mga ayaw mag-abot at magpasa ng pamasahe. ‘Yung tipong madami ka ng dala at ginagawa e parang nakatingin pa sa ‘yo lahat ng pasahero at ipinahihiwatig na kailangang ikaw ang magpasa. Kung karangalan ang pagpasa ng mga pamasahe e nagpapasalamat ako. Pero hindi. Nagpapasalamat na lang din ako dahil may mga taong nagpapasalamat sa akin tuwing inaabot ang bayad o sukli nila. Pero minsan hindi rin sulit dahil…
Merong mga maiingay na driver at pasahero. May mga driver na mahirap makarinig dahil meron mga maiingay. May mga OA bumusina sa labas, meron ding mga magkakaibigan na parang noon lang uli nagkita kahit sabay silang sumakay sila sumakay at bumaba. Puwede ring hindi marinig ng driver dahil nakikinig sa tsismisan ‘yung pasahero. Meron ding mga pasahero na parang nahihiya ‘ata sabihin kung saan sila bababa dahil sobrang hina ng boses nila.
May nakasabay din akong gusto ‘atang mag-artista. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero maya’t-maya ay pinakikitaan niya ako ng facial expression. Mangingiti, mukhang magagalit, mukhang nalugi at iba pa. Natakot nga ako noon e.
Pero kahit papaano natatawa din ako minsan. (Naiinis pa rin ako kasi natatawa ako mag-isa sa dyip pero hindi ko mapigilan.) Meron kasing mga kuwentuhang kuwela. Meron din namang mga pangyayaring nakakatawa talaga. Naranasan kong may mga nakasabay na imbis na sa pagbabayad ang sabihin e ang nasabi niya ay “pabili” sa driver. Meron din namang driver na nagtatanong ng tanong na parang biro tulad ng “ilan ‘yung sampu?”
Dahil nga lagi o madalas na bukas ang bintana ng dyip (siyempre bukod sa tuwing umuulan), makikita mo ang mga nangyayari sa labas. Makikita mo ang mga sasakyang nakakasabay mo at mga lugar na dinadaanan mo. Ang isa sa mga pinakaayaw kong makasabay na sasakyan e ang truck ng baboy na kung mangamoy e gustong humiwalay ng kaluluwa mo. Dahil minsan e trapik, hindi mo na maiiwasang hindi mo na ito maamoy dahil ‘di ka na makahinga sa pagtakip sa ilong mo. Nakakatuwa ding isipin na dahil din dito, lumalabas ang totoo mong pagkatao. May napapamura, may napapatawa (hindi naman ako ganito sa ganitong pangyayari), may mga di natitinag tulad ng mga nasabi kong magkaibigan.
Nakasakay na ba kayo sa air-conditioned na dyip? Ang una at nag-iisa kong sakay doon (dahil wala na akong nakikita) e medyo hindi maayos. May nakasabay akong galit na galit ‘ata sa sipon na maya’t-maya ay singa ng singa. Singa na walang bukas. Basang-basa na ang kanyang panyo na maya’t-maya niya ring binabaliktad sapagkat lumabas na ‘ata lahat ng likido sa kanyang katawan. Wala naman akong ibang mapanood dahil sira ang TV nila. Saka hindi rin ako sanay sa aircon ng sasakyan.
Air-conditioned na mga sasakyan.
Hindi ko gusto ang amoy ng mga sasakyang may aircon lalo na kung sasakyan ito ng napakatagal.
Bus. Galing ng Maynila ay may nakita akong bus papuntang Fairview. Dahil medyo nakababa ang kurtina ng bus e hindi ko alam kung maraming nakasakay. Pero sa paghihikayat ng konduktor sa pasahero e parang wala pang laman ang bus. Dahil sa nagmamadali at sa pag-aakalang mas mapapadali ang aking uwi, binitbit ko na naman ang malaking bag at pumasok sa bus.
Masikip. Maraming nakatayo. Wala na akong magagawa at ayoko ng bumaba dahil gusto ko na ngang umuwi. Naisip ko rin naman na sigurado ay may bababa at makakaupo din ako. At ayun na nga. Umandar ang bus.
Isipin ang lahat ng sinabi ko kanina.
Isipin ang layo ng Maynila sa Fairview. Buti na lang at nakauwi pa ako.
Pagbabalik-tanaw. Noong highschool pa ako, may nakita kaming (kasama ang mga kaklase ko) may gumagawa ng kakaiba sa bus. Pagpapatunay lang na walang pinipiling lugar ang (ilagay ang salita dito), na hindi naman tama.
FX. Wala akong reklamo sa sasakyang ito sapagkat ito ang lagi kong sinasakyan paluwas ng Maynila. Naalala ko lang ang nakasabay ko noon na hindi din ‘ata mapigilan ang (ilagay ang salita dito). Nakita ko lang sa repleksyon ng bintana. Ang isa ko namang nakasabay noon e napakagulo at kamuntikan na akong matamaan sa (ilagay ang salita dito) dahil sa kanya.
Mas mabuti sigurong sa tricycle na lang ako sumakay. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung bakit 40 ang bayad sa tricycle dito sa amin. Naiisip kong parang napakalayo naman namin sa kabihasnan. Hindi naman siya ganoon kalayo dahil nagawa ko itong lakarin nung iwanan ako ng pamilya ko ng walang pera. Ewan.
At dito ko na tatapusin ang unang kabanata. Alam niyo bang ginawa ko ito ng halos isang araw (dahil maya’t-maya akong nabablangko)? Ang dahilan lang naman ng paggawa ko nito e hindi natuloy ang napag-usapan naming lakad
Effort. Ito ang tinatawag na effort.