Tama ang nabasa mo, Kesame. Hindi ito tungkol kay Ali Baba at ang kuwebang puno ng kayamanan. It's more like, Aling Lilia at ang kisameng puno ng basura.
Nangyari ito noong April 27, isa sa mga nakakatamad na araw sa aming inuupahang kuwarto. Kumpleto ang pamilya - si Papa Nikon, Mama Rod at si Baby Girl. Nag-aayos ako ng gamit. Kakukuha ko nga lang din ng pinalaba ko noon. Masaya pa ako't sa wakas ay may kumot at tuwalya na uli ako.
Normal ang eksena. Naglalandian si Nikon at Rod at ako ay naglilinis.
May kumaluskos sa kisame. Sabi ko, "May daga! Uy, may daga! Halaaa~!" Hindi ako pinansin ng mga kasama ko hanggang sa may duming (parang alikabok) nahulog sa maliit na siwang sa kisame. Nang bumagsak na ito sa sahig, biglang sumigaw ang dalawa. High pitched ang sigaw.
Nagtawanan kami. Sa isip isip ko, "Ang lalaki niyong mga tao tapos ganyan ang sigaw niyo! Daig pa kayo nung kasama ko noong naaksidente ako sa motor e! Nakapekpek shorts 'yon pero ang laki ng boses!"
Kumaluskos ulit ang kisame. Mas malakas ang tunog nito ngayon. Parang may lindol. Parang may babagsak sa kisame.
(Ngayon naman, isipin mong paikut-ikot kami sa loob ng kuwarto na parang hindi malaman kung saan pupunta. Gawin mo ito habang binabasa ang mga susunod na linya.)
Okay, with feelings. Kumaluskos ulit ang kisame! Mas malakas ang tunog nito ngayon! Parang...may lindol! (Dapat natatakot ka na.) Parang may babagsak sa kisame!
"Aaahhh!" sabay-sabay tayong sisigaw at biglang babagsak ang kisame.
Plok plok plok!
(Ikaw na nga lang maglagay ng sound effects dito.)
Tuluyan na ngang bumuka ang kisame. Kasama sa pagbagsak nito ay ang isang pusa. Pusang may poker face. Wala siyang reaksyon habang kami ay gulat sa pangyayari. Parang kulang na lang ay sabihin ng pusang "bakit?" para mas naramdaman namin na wala siyang alam sa nangyari. Gago.
May nakalimutan ako. Kasama nga pala ng pusa sa paglaglag nito ay palanggana, upuan, plywood, bucket sa kfc, sandamukal na alikabok (at mga mukhang alikabok) at kung anu-ano pa. O 'di ba, may naglalaba ba sa taas?
Gulantang at malungkot sa pangyayari, pinuntahan ni Papa Nikon si Aling Lilia para magbigay aksyon. Bumalik kami sa kuwarto at kinanta ang victims of love.
"Victims of love, a broken down affair. So sad to see the debris scattered everywhere."
Dumating si Aling Lilia. Bilang isang mabuting landlady, nagbunganga siya (hindi naman pagalit) na kulang na lang isisi sa amin ang nangyaring insidente. Dito niya rin nabanggit nang ilang beses ang salitang Kesame.
Kesa-kesa-me-eh-eh. 😐
Ipapaayos na lang daw niya ito kinabukasan. (Hindi naman natupad.)
Dahil tinatamad na naman akong magsulat, ang bottom line ay hindi kami tinulungan ni Aling Lilia na maglinis.
Pinakabit niya sa kanyang alipores ang bumagsak na kisame. Sinugurado naman niyang hindi ito babagsak ulit kahit isang pako lang ang inilagay niya.
Ang tagal naming nilinis ang kuwarto. Matagaaaal. Naabutan nga kami nina CJ at Chloe na parang naglilipat-bahay na dahil lahat ng gamit ay nalagyan ng dumi.
Sa ngayon, may bagong kisame na ang kuwarto. Mukha namang mas matibay at hindi kayang ibagsak ng pusang may poker face. Ang problema naman namin ay paano babayaran ang renta at kuryente na hindi ko malaman kung bakit ang laki-laki.
Dahil halos buwan-buwan nagtataas ang rate ng kuryente, tinanong ko si Aling Lilia.
Ako: E ba't hindi niyo kasi sinasabi na nagtataas 'yung rate?
Aling Lilia: E bakit? Ako ba ang Meralco?
Ako: E bakit? Nagtatae ba kami ng pera dito?
Siyempre joke lang. Alam niyo namang hindi ko masasabi yan e. Hahaha!
Haaay. Kailangan na naman naming magbayad ng renta sa 20. Tumatanggap kami ng donasyon, baka sakaling hindi niyo alam. Tumatanggap din po ng construction work si Papa Nikon. Pedicure naman po ang specialty ni Mama Rod. Makikita naman po natin ito sa kanyang paa.
Labyu friends. Haha. Lumipat na kasi tayo!
(Paalala: Ang ilang bahagi sa kuwentong ito ay pawang kathang-isip lamang. Pero totoo talagang naglalandian si Rod at Nikon. Hahaha.)