Intro. - The Chronicles of Norris Skip to content

Intro.

Madalas naming pinagtatawanan ng kaibigan ko 'yung mga magulang namin. Hindi naman sa mga salbahe kaming anak pero alam mo 'yon, kahit sobrang seryoso sila sa mga sinasabi nila, hindi mo mapigilang matawa sa isip mo.

Madalas 'pag bakasyon, umaga na ako natutulog. Mainit kasi 'pag maghapon kaya natutulog lang ako at sa gabi ako buhay na buhay. 'Yun nga, dahil ako lang naman ang nagpapakabampira dito sa aming pamamahay e nagtatagpo kami tuwing sila'y maaalimpungatan.

Mga alas-tres na no'n. Wala nang palabas sa TV. Tinatamad nang mag-internet. Dahil may load ako no'n e di pagtetext ang ginawa ko. Mangako kang maniniwala ka pa rin na may katext ako noon hanggang sa matapos mo 'tong basahin.

Ang eksena no'n e nagising ang aking ina at nagpunta siya sa banyo. Pagkatapos e sumilip dito sa sala habang ako naman ay nakahilata sa sofa habang nagtetext nang masaya. Yung tipo ng sayang mababakas sa mukha - minsan nangingiti, minsan tatawa, mga gano'n.

Habang ako'y nakangiti at kinikilig pa sa binabas, pagalit niyang tinanong niya kung bakit gising pa ako. Tinatanong kung anong oras na. Napapraning na raw ba ako? Mga ganyan. Mahirap isalin sa salita 'yung kasiyahang naramdaman ko ng gabing 'yon lalo nang itinuro ng aking ina ang orasan na nakasabit sa aming dingding habang siya'y nagagalit.

'Yung nangyari namang sumunod e dala siguro ng kasiyahan kung saan kaya umabot ako ng mga alas-siyete na ng umaga. Magdamag akong nanood ng SAW. Sunud-sunod 'yon. Paglabas ko ng kuwarto at pagpunta ko sa aming kusina e naabutan ko ang aking mga magulang na nag-uusap. Hindi ko alam kung bakit masaya kong sinabing hindi ako natulog. 'Yung tipo ng sayang mababakas sa mukha - minsan nangingiti, minsan tatawa, mga gano'n. Hindi ko rin alam kasi hindi naman comedy yung pinanood ko. Doon ko na naman narinig ang mga salitang praning at droga. Nababagabag na nga sila.

Ang pinakahuli kong naalalang nakakatawa e ang pagkagalit ng aking tatay sapagkat nakipagsagutan ako sa aking ina sa isyung oras ng pagtulog. Kahit pag-aalala man 'yon, hindi ko kasi matanggap na parang ipinagkakait sa akin pati ang pagpupuyat ko. Ano bang gusto nilang mangyari, matulog na lang ako buong araw at magdamag? Pero 'yun, sinabi kong sa hindi nga ako makatulog nang maaga. Kinatwiran ko pang hindi naman sa oras ng pagtulog yun kundi kung ilang oras ka natutulog. Saka sinabi kong wala naman akong makausap at magawa 'pag maliwanag (dahil wala nga akong mga kaibigan dito).

"Anong walang ginagawa? Maglinis ka ng kapaligiran!" biglang pagalit na sumbat ng tatay ko.

Doon ako nakakakita ng larawan sa aking isipan. May malawak na luntiang lugar, may kubo, at may mga manok na tumitilaok. Naroon ako. Naglilinis ng kapaligiran. Napakagandang pagmasdan, hindi ba?

. . .

To be continued.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

3 × one =