Lumaki ang pusang itim na iniiwasan ng lahat.
Sabi ng ibang mga pusa sa kanya, "Meow meow meow! (Ikaw ay kakaiba at hindi nababagay sa katulad namin!)"
Ngunit alam ng itim na pusa na siya'y kakaiba. Kailanma'y hindi niya pinroblema na hindi malasutla ang balahibo niya at kung magkaiba man ang kulay ng kanyang mga mata.
"Meow! (Kebs!)"
Hindi siya nabahala sa kanyang katangian hanggang sa nagtipun-tipon ang lahat ng mga pusa isang araw.
Narinig niya ang karamihan, "Meow meow meow! Meow meow! (Ang lambot ng iyong balahibo at ang ganda ng kulay ng iyong mata! Siguro tayo ay para sa isa't-isa!)" Lahat ay masaya sa kanilang mga nakilala at lahat ay umuwing may kapareha. Lahat, maliban sa isang itim na pusa.
Habang naglalakad sa isang eskinita ay tinanong ng itim na pusa ang kanyang sarili "Meow meow meow? (Mayroon din kaya akong kapareha?)" Sa unang pagkakataon sa kanyang pagig naisip niya na dahil hindi maganda ang kanyang balahibo at hindi pareho ang kulay ng kanyang mga mata ay nakatadhana siyang maging mag-isa.
Hindi niya alam ang kalungkutan na kanyang nararamdaman.
Nang minsang siya ay naghahanap ng makakain, nakita niyang dumating ang isa pang pusa. Magkaiba rin ang kulay ng mga nito. Hindi rin malambot ang balahibo nito. Higit sa lahat, itim din ang pusa gaya niya.
"Meow! (Siya na siguro iyon!)" masayang sinabi ng itim na pusa sa kanyang sarili.
Magdamag silang nagsama sa bubong ng bahay ni Aling Malou at walang ibang inatupag kundi kilalanin ang isa't-isa. Hindi makapaniwala ang itim na pusa. Sa wakas ay naramdaman niyang hindi naman siya naiiba.
"Meow meow meow? (Alam mong tayo'y magkaiba, hindi ba?)" tinanong sa kanya ng bagong kaibigan.
"Meow? Meow meow meow... (Ha? Hindi ko naiintindihan... Berde't asul din ang kulay ng iyong mga mata. Itim din ang iyong balahibo gaya ng sa akin! Bakit hindi tayo para sa isa't-isa?)" nagtatakang sagot ng itim na pusa.
Sinabi ng kanyang kasama sa paraang , "Meow meow meow... (Mauunawaan mo rin ako...)" Niyakap nito ang itim na pusa at pagkatapos ay nagpaalam.
"Meow... (Meow...)" sabi ng itim na pusa habang nakatingala sa langit ng kakulay ng kanyang balahibo.
Hindi malasutla ang balahibo niya at kung magkaiba man ang kulay ng kanyang mga mata, ito ay hindi na mahalaga.
Natutong umibig ang pusa.