Mangga Archives - The Chronicles of Norris Skip to content

Napag-usapan namin ni Kat (kaklase ko nung grade 1) kanina yung mga tungkol sa mga alamat at kung anu-ano pa. Sabi niya sa facebook status niya, kung totoo raw yung alamat ng Mangga o Lansones e baka naging prutas na siya. Hindi ko na matandaan kung nakuwento ba sa akin yung alamat na yun o sadyang nakalimutan ko na. Kaya tinanong ko siya.

Ayon sa naaalala niyang kuwento sa kanya, tungkol yun kay Mingga. Sobrang bait ni Mingga at isang araw ay nagkasakit siya. Nagtataka na ang mga taga-nayon kung bakit hindi na naglalalabas ng bahay si Mingga. Tapos may tumubong kakaibang puno. May bunga. Tapos nagconclude na ang mga taong puso ni Mingga yung bunga. Wakas.

Alam kong hindi namin masyado naintindihan yung mga alamat pero nagkatugma kami sa isang paniniwala: May sa demonyo siguro ang mga magulang noon. Kung tutuusin, napakasuwerte ng kabataan ngayon. Isipin mo, handa ang mga magulang dati na ilagay sa pahamak ang buhay ng kanilang mga anak ‘pag naging pasaway sila?

Isipin mo na lang si Pinang sa alamat ng Pinya. Hindi ko alam kung magkaibigan sila nina Mingga at Ines pero may nangyari sa kanyang masama dahil lang sa tamad siyang maghanap. Tapos sabi ng nanay niya, sana magkaroon siya ng maraming mata. Aba, isang araw nagkaroon ng prutas na marami ang mata sa bahay nila. Kawawang Pinang.

Napag-usapan namin kung may kanya-kanya na kaming mga anak e tatakutin namin sila gamit ang mga alamat na yun. Siyempre, gumawa rin kami ng sarili namin. Mahirap na, baka pare-pareho na kami ng panakot e baka isipin nung mga anak namin e niloloko lang talaga namin sila.

Sasabihin daw ni Kat sa ‘pag naging pasaway yung magiging anak niya e magiging Langka ito. O kaya Carrot daw para walang translation sa Tagalog. Tipong Ang Alamat Ng Karot. O Kerots.

Ako naman sasabihin ko magiging Okra o kaya Sayote pag naging pasaway yung magiging anak ko. Bigla kong naisip yung Chesa. Yung Chesa na hindi mo alam kung kailan mo pipitasin. Tapos ‘pag naisip mo ng ready ka na, sabog na sa lupa yung prutas. Bukod sa nakakadilaw daw siya ng ngipin, hindi ko naiintindihan kung bakit may ganung prutas.

Ganun din ang pagtataka ni Kat kung bakit ganun ang itsura ng Rambutan. Masarap siya pero hindi mo alam kung bakit ganun yung itsura. Feeling ko kung may mga alamat man yun, di siguro kagandahan yung mga naging experience nung biktima.

May teorya akong masasama talaga yung ugalig ng mga magulang ng mga bagets at naisip nilang mag-istokwa.

Gaya ni Goldilocks. (Baka kasi galit din kayo sa kanya dahil walang kapararakan kung magtrespass.) Feeling ko kasi masama rin ang pamilya niya. Siguro isa siya sa mga anak ni Prince Charming. Tapos hindi na siya masustentuhan ng maayos dahil sa dami ng asawa ng Tatay niya. Kaya naglayas siya. Tapos nagutom. Kaya nagpunta siya doon sa bahay ng Three Bears.

Ang hindi ko lang maintindihan e kung bakit Prince Charming ang pangalan ng prinsipe. Puwede naman daw Reggie o kaya Boss Haji. Saka wala bang ibang prinsipe sa kanila?

Ewan. Kailangan ko sigurong magbasa ulit ng mga alamat at fairy tales.

Good night.