Yun nga. Hindi naman ako magaling magsulat kaya ang hirap isalin kung ano bang climax meron ang aming aksidente. Sabi lang ni Gary na ang pagpaparating ko kung gaano kagrabe yung aksidente ay kulang. Siguro nga grabe yon kasi minsan (lalo na dati) ay napapansin ang peklat niya sa kamay. Minsan nga e napagkakamalan siyang may frat.
Si Gary pa rin ang umupo sa gitna. Siyempre uwi ang niligtas niyang yelo. Si Bryan tahimik lang sa likod. Tumama kasi yung bibig niya e. Natapyas pa ‘yung ngipin niya. (Dapat ganyan lang ang pagsabi.) Habang bumabiyahe kami na parang slow motion din e pinag-uusapan namin kung ano ang dapat gawin pagdating sa bahay nina Conrad. Ayun, sabi dumiretso lang sa kuwarto na parang walang nangyari. Nag-iinuman rin kasi ‘yung tatay ni Conrad kasama ang mga kaibigan niya noong mga panahong 'yon.
(May dahilan naman ako kung bakit mabagal ang pagpapatakbo ko. Una, naaksidente kami. Pangalawa, mahirap magbalance kung tatlo kayo sa motor. Pangatlo, mahirap magdrive kung malamig na ang panahon at sa likod mo e may yelo na nakakatawa na sa sobrang lamig.)
Ngayon lang sinabi ni Gary kung bakit nagawa pa rin niyang iuwi yung yelo. Sabi niya, naaksidente kami dahil sa yelo. Kung wala kaming maiiuwi, mababalewala lang daw lahat ng ginawa namini. Oo nga naman.
Congratulations! May yelo ka na, may sugat ka pa!
Nakauwi naman kami. Pinauna ko nang pinapasok sina Bryan at Gary at ako na ang nagtayo dun sa motor. Salamat naman at may stand pa siya. Samantala, hindi ako sigurado kung paano sila naglakad papasok sa kuwarto. Para kasing ang hirap magpanggap na walang nangyari e. Lalo na kung grabe yung pagdudugo ninyo tas nakapekpek shorts pa yung isa.
Pagpasok namin sa loob, nagulat ang lahat. “ANONG NANGYARI?!” “ANONG NANGYARI SA INYO?!” Ewan ko kung natanggal ba yung kalasingan noong mga umiinom. O tumuloy pa rin sila sa pag-iinuman. Wala na akong masyadong maalala e. Naniniwala na ‘ata ako ngayon na ako ay nabagok. (Nabagok ang ginamit ko kasi ayaw nilang maniwala na may salitang nabanog.)
Ang mga mass comm students ay biglang naging mga nurse. Lalo na ang mga babae. Simula sa paglilinis ng sugat sa CR, at paglalagay ng first aid ay naroon sila. Ang suwerte ko sa mga kaibigan ko, ano?
Dahil walang tigil ang pagdudugo ng mga sugat nina Bryan at Gary ay naubusan na ng bulak at cotton buds. Ang mga mass comm students na naging nurse ay biglang naging girl scouts. Naisip nilang maaaring pagpigil sa pagdurugo ang napkin. (Teka.) E may baon kasi sila. Pipilitin kong maging hindi bastusin ang kuwentong ito kaya doon ko na lang ititigil ang usapang napkin. Pero kung sino man ang responsable sa pag-iisip non e nakakahanga hindi ba?
Hindi naman talaga ako madaldal na tao pero ang dami kong sinasabi noong mga panahong ‘yon. Medyo nagagawa pa naming tumawa ni Gary samanatalang si Bryan e mahahalata mong masama ang loob sa nangyari. Hindi na rin siya masyadong nagsasalita kasi nga doon sa nangyari sa bibig niya. Sinasabi pa nga ni Gary na napipi si Bryan. Tumatawa naman siya. Nakasara nga lang yung bibig.
Halos lahat kaming magkakaibigan e nasa loob ng kuwarto ni Conrad. Maraming napag-usapan. Lalo na kung ano ang nangyari. Dito nagkaroon ng pagtatalo kung ano nga ba ang aninong aming mababangga dapat. Sabi ni Bryan ito ay pedikab. Sabi ko ay taxi. Sabi naman ni Gary e kariton lang ‘yon. Wala naman akong ibang magagawa kasi siya nga ang nagpamalas ng presence of mind noong mga panahong 'yon. Alam niyo naman na yung ginawa niya di ba?
(Ang corny nang naisip kong pagkakitaan ang pagboto kung ano ba talaga ‘yung anino. Pero bigla na lang akong natawa noong naisip kong yung kita e mapupunta sa pagpapagamot ng namamanas na paa ng aming kaibigan.)
Kariton lang. Kariton lang pala ‘yon. Kung iisipin e nakakasama ng loob. Sabi nga nila ang cheap e. Alam mo ‘yon, iba ‘yung aksidente na dinanas namin dahil sa kariton.
Oras na ‘ata ng pagtulog no’n. Pero bawal kaming matulog lalo na ako kasi baka meron daw kaming concussion sa ulo. O, di ba? Gustung-gusto ko nang magpahinga pero bawal. Kinukurot at pinapalo pa nga nila ako noon para hindi ako antukin. Dahil medyo makulit ako, sabi nila baka mamatay ako sa pananakit nila at hindi dahil sa concussion (kung ano man ‘yon).
Hindi ko alam kung pa'no ito tatapusin kaya may Part 4. Hahaha.