Ang Aksidente - Part 2 - The Chronicles of Norris Skip to content

Ang Aksidente – Part 2

Ang Aksidente - Part 2

Kung saan-saang tindahan kami nagpunta. May mga tindahang malalaki at may mga tindahang maliliit. Yung iba nga e hindi na mukhang tindahan. Basta malayo na kami. Umabot na nga kami sa kalsada na may mga nagbabantay na pulis. Tipong highway na. E kamusta naman, tatlo kami, walang nakahelmet, si Gary nakapekpek shorts at ang ingay-ingay pa rin namin. E di bumalik kami.

Hindi naman kami sumuko. Tumuloy naman kami doon sa isang daan. Rosario ‘ata yung pangalan nung lugar na yun. Ang weird lang kasi habang dumadaan kami doon sa isang tulay, iba yung kulay ng kapaligiran. Alam mo yung kulay ng lumang pictures? Yung sepia ba. Basta yun, ang lakas maka moments of love yung dating nung lugar. E feel na feel naman daw namin.

Lumagpas kami do’n sa tulay at may nakita kaming gasolinahan. Hindi ko na matandaan kung Caltex ba yun o kung ano. Si Gary ang may hawak ng pera kaya siya ang bumili. Siya na rin yung nagdala ng yelo. Ayoko rin naman kasing magdala ng malaking plastic na punung-puno ng tube ice. Ganoon pa rin ang puwesto, si Bryan ang driver, si Gary ang nasa gitna at ako ang nasa dulo. May dagdag nga lang na yelo.

(Naiisip ko tuloy ngayon na sumama lang ako dahil ang sarap ng hangin ‘pag nakasakay sa motor.)

Para sa akin, ang laking achievement nung pagkabili sa yelo. Ang layo na kasi ng lugar. Ayun, dumaan na naman kami sa lumang mundo (tawag ni Gary). Kuwentuhan, tawanan, mga ganyan. Nagrereklamo na nga si Bryan kasi ang ginaw nga raw ng yelo sa likod niya. Naaalala ko ngang dinudutdot pa ni Gary yung bilbil na Bryan e. May sound effects pa yun. “Taba. Taba. Taba.” Medyo ang harot lang ni Gary kasi nagawa niya pa yun bilang yung isa niyang kamay hawak yun sukli tapos sa isang kamay naman yung yelo.

Bigla na lang kaming tumahimik. Hindi ko alam kung ano yung dahilan nila. Basta ako namamanhid yung isa kong binti. Nagtanong pa nga si Bryan kung bakit nga tahimik. Walang sumasagot.

May naaninag kaming anino sa gitna ng kalsada . Hindi ko alam kung ano yun. Mabilis magpatakbo si Bryan kaya kailangan niyang huminto para hindi kami makadisgrasya. E sigurado namang hindi kami makakahinto agad. Ang alam ko na lang nangyaring sumunod e nagslow motion lahat. Alam mo yun, ang bagal ng oras pero hindi ka nakakapag-isip?

(Ano pa nga bang maiisip mo? Alangan namang isipin ko yung namamanhid kong binti e anumang oras e baka hindi na siya parte ng katawan ko?)

Salamat naman at hindi namin nasagasaan ang mahiwagang anino. Ang nangyari nga lang kami ang nadisgrasya. Matapos noong slow motion, tumagilid ang motor at dumausdos ito sa kalsada. Medyo nabago yung puwesto. Ako, tumalsik ako kaya medyo nauna pa ako kesa dun sa motor. Si Bryan kasama yung motor. Si Gary naman nabitiwan yung yelo at yung sukli pero hindi sila nagkakalayo ni Bryan.

Parang medyo naging selfish ako ng mga panahong yon kasi tumakbo ako sa malayo at umupo. Yung upong emo. Siyempre nagulat ako sa nangyari at iniisip ko kung ano ba ang dapat kong isipin. Iisipin ko pa ba yung manhid kong binti? Teka, parte pa ba siya ng katawan ko? Basta sinusubukan kong kalmahin ang sarili ko ng mga sandaling ‘yon.

Pero hindi ko ‘ata magawa dahil sa nakikita’t naririnig ko. Naririnig ko si Bryan na sumisigaw at nagmumura. Si Gary naman niligtas yung yelo at inilagay sa gilid ng kalsada para hindi masagasaan. Yung pera naman sumabog kasi sa kalsada kaya hindi na niya pinulot. Saka no’ng mga panahong ‘yon medyo malilito ka kasi ang laki ng boses ni Gary no’n. Tapos nagtatanong kung ayos ka lang. Sa isip mo, “Shet. Lalaking nakapekpek shorts.”

Walang tumutulong sa aming mga tao. Siguro akala nila may shooting. Nanonood lang sila.

Noong mga sandal ring yon nasabi ko sa sarili ko na ang mga taong ‘to e mga tunay na kaibigan. Kasi kahit super duguan na sila e hinanap nila ako. “Si Norris?! Asan si Norris?!” Feeling kasi nila ako yung pinakamalala kasi ako nga yung tumalsik sa motor. Pero sa braso lang ako nagkasugat kasi nakapantalon ako. Basta hindi ko pa alam kung nasa’n yung mga sugat nila. Naaalala ko lang no’n e nagdudugo ‘yung mukha ni Bryan at si Gary ay nakapekpek shorts at nagligtas ng yelo.

Nagmumura pa rin si Bryan. “T*ng in* mo manong! T*ng in* mo!” Akala ko taxi yung anino pero pag-uwi namin, mali pala ako. Malay ko bang nanonood lang din si Manong Taxi Driver.

Ayos pa naman ‘yung motor. Kahit yung ibang parts e naiwan na rin sa kalsada kasama yung pera. Ako ang nag-drive pauwi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

12 + one =